BALITA | 9-story building sa Pampanga, gumuho; mahigit 40 naiulat na na-trap

D

Doreen P. Cabildo, Insight PH

Author

2 min readMay 26, 2026
BALITA | 9-story building sa Pampanga, gumuho; mahigit 40 naiulat na na-trap

Gumuho ang isang siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga, Lunes ng madaling araw habang ito ay kasalukuyang itinatayo pa lamang, na nag-iwan ng tinatayang 30 hanggang 40 katao na na-trap sa loob, ayon sa Angeles City Information Office.

Ayon kay City Information Office head Jay Pelayo sa panayam ng Super Radyo dzBB, naganap ang pagguho bandang 3 a.m. sa Teodoro Street sa Barangay Balibago, batay sa ulat ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office (ACDRRMO).

“Sa report pa rin as of 6 a.m. ng ACDRRMO, ‘yung foreman ng ginagawang gusali na nag-collapse ay nakalabas kasama ang 10 survivors,” ani Pelayo. “Ito ay nasa pangangalaga ng Local Government Unit (LGU) ngayon. Lahat sila ay in stable condition.”

Walong katao na nasa paligid ng gusali ang agad na nailigtas matapos magtamo ng mga minor abrasion at injuries. Kasalukuyang patuloy pa rin ang search and rescue operations.

Ayon pa umano sa foreman, karamihan sa mga naipit sa loob ng gumuhong gusali ay mga construction worker.

“Ang pinangangambahan lang natin ngayon ay ‘yung report ng foreman, na mayroon pang 30 to 40 na na-trap sa ginagawang gusali,” dagdag ni Pelayo.

Nadamay rin ang katabing estruktura ng gumuhong gusali. Isa umanong 51-anyos na turistang Malaysian ang na-trap ngunit kalaunan ay nailigtas din ng mga rescuer.

Nagpatupad na rin ang lungsod ng unified command system kung saan nagtutulungan ang iba’t ibang ahensya para sa disaster response operations.

Pinangungunahan ng Bureau of Fire Protection ang search and rescue operations katuwang ang ACDRRMO, habang ang Philippine National Police naman ang namamahala sa seguridad sa lugar.

Hindi pa tapos ang assessment ng unified command system upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagguho ng gusali. Gayunman, nangyari ang insidente matapos ang malakas na ulan at hangin noong Sabado ng gabi.

Batay sa PAGASA Regional Services Division, umabot sa 44 milimetro ng ulan ang bumagsak sa Angeles City mula 7 p.m. hanggang 8 p.m. noong Sabado.

Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan at umiwas sa lugar ng insidente upang hindi maantala ang rescue operations at maiwasan ang panganib.

D

Written by Doreen P. Cabildo, Insight PH

Doreen P. Cabildo, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

CChesca Chua, Insight PH

NEWS | Chinese teachers leave Philippines amid safety issues

Following an increase in security concerns and heightened political scrutiny, over 150 volunteer Chinese teachers officially pulled out of Philippi...

9 days ago• 3 min read
ZZoe Francheska Palapar, Insight PH

NEWS | Isulan NHS rules out shooting, eyes faulty wiring

Authorities ruled out a shooting incident at Isulan National High School after a loud noise reported within the school premises sparked concern amo...

13 days ago• 2 min read
MMark Angelo Dominguez, Insight PH

NEWS | PBBM orders probe into alleged lack of support for Asiad athletes

President Ferdinand Marcos Jr. has ordered authorities to investigate claims that some Filipino delegates at the ongoing 2026 Asian Games, particul...

15 days ago• 2 min read
Explore all News articles