Itinaas na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon at Visayas grid sa red alert ngayong Huwebes, ika-14 ng Mayo, matapos ang rotational brownout kahapon, Miyerkules, dahil sa panipis na panipis na supply ng kuryente sa dalawang pinakamalaking grupo ng isla sa bansa.
Sa ganap na 3:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi, itataas ng NGCP ang Luzon grid sa red alert habang mananatili naman ito sa yellow alert mula 2:10 ng hapon hanggang 10:00-12:00 ng gabi.
Samantala naman, ang Visayas grid ay nakatakdang itaas sa red alert mula 3:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi at mananatiling nasa yellow alert mula 10:00 hanggang 11:00 ng gabi.
Ngayong araw, maaaring makaranas ng brownout ang ilang mga lugar sa Luzon kabilang na ang ALECO (Albay), BENECO (ilang bahagi ng Baguio City at Benguet), INEC (ilang bahagi ng Ilocos Norte), BATELEC II (ilang bahagi ng Batangas), ISELCO II (ilang bahagi ng Isabela), CAGELCO (ilang bahagi ng Cagayan) at MERALCO (ilang bahagi ng Metro Manila).
Matatandaang kahapon, Miyerkules, naganap ang pabugso-bugsong brownout sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa tinatawag na Manual Load Dropping (MLD) na layong magpreserba ng kuryente.
Patuloy naman ang updates ng NCGP sa kalagayan ng enerhiya sa bansa.
Written by King Razon, Insight PH
King Razon, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



